Wednesday, April 30, 2008
Ngiti pa din... pagkatapos!
Hinabol Ko Ang Nakalipad Na Damdamin
Wala sa bulsa ng aking diwa
Kung sino ang nagpakawala
Ikaw na tila walang pakialam
O akong sadyang nangalay
sa pagkipkip
Gayon ma’y nang aking namataan
At maramdamang ang pakiramdam
Ay dahan-dahang kumakawala
Nagwala ang dabog ng aking dibdib
Hindi ko na nakayang isingkaw
Ang tsinelas sa kumakaripas na mga paa
Tumalon-talon ako, pinilit kong talunin
Ang pinakamataas na kaya kong italon
Natapilok ako, nagasgas at sumilip ang dugo
Sa nanghihina ngunit lumalabang tuhod
Hindi ‘yun ang dahilan para sumuko,
Ang totoo’y ayaw kong makawala
Ang pakiramdam na ‘yun,
Para sa’yo.
Narating ng aking mga paa
Ang dulo ng isang tulay,
Na siyang umpisa ng bagong daanan,
Saktong kumaway ang hangin,
Isinama nito ang aking damdamin.
At saka umulan nang umulan,
Kung nasaan ka man sa oras na ‘yun
Alam kong nakita mo
Ang malakas na pagbuhos ng ulan,
Sana
nakita at naramdaman mo rin
Na mas malakas ang pagbuhos ng ulan
Sa aking kaloob-looban.
Posted at 2:53 pm by Layap
Wednesday, January 16, 2008
Namimiss ko ang paglalakad sa Baguio!
Wala-Akong-Maisip-Na-Titulo
Lakad. Lakad. Lakad.
Hangga’t mapudpod ang pekeng sapatos.
Hangga’t magka-kalyo mga daliri ng paa
Hangga’t mabitak at dumugo.
Lakad. Lakad. Lakad.
Hangga’t mawala ang pagiging pula ng converse
Hangga’t maging itim sa pagyakap ng alikabok
Hangga’t magasgas at dumugo ang kaluluwa ng sapatos
Lakad. Lakad. Lakad.
Hangga’t di na makilala ng mga daliri ang katabi nila,
Hangga’t maawa sila sa kapwa,
Hangga’t malunod sa dugo ng aking paa.
Lakad. Lakad. Lakad.
Hangga’t mawala sa converse ang alaala
Hangga’t maisip ng daliri na nasasaktan ang katabi niya
Hangga’t tuluyang mawalan ng dugong ikinabubuhay.
Lakad. Lakad. Lakad.
Lakad. Lakad. Lakad.
Lakad. Lakad. Lakad….
Posted at 3:47 pm by Layap
Bagamat Hindi Naman Ako Nagtutula
Ganyan talaga ang buhay.
Minsan nakakapagod pala kung laging ganiyan na lamang ang makukuha mong sagot sa bawat pangyayari sa iyong buhay. Bakit ganun, nang akmang tumalikod siya at lilisan na ako, pinigilan ko siya, at nagmakaawa. Kinain ng lupa ang pride ko. Ngayon, ako ang nagbadyang tumalikod at lumisan.
Di niya ako pinansin. Wala akong narinig.
Hindi ko mawawaan kung isa ba itong indikasyon na hindi ako mahalaga sa kaniya o sadyang sensitibo lamang ako kaya ko naiisip ito.
Tila ayos lang na tumalikod ako sa samahan sapagkat marami namang tao sa kaniyang harapan upang lumikha ng panibagong magiging nakaraan.
Posted at 3:05 pm by Layap
Friday, January 11, 2008
Dadaanin ko na lamang sa Tula...
Upang Makalihis sa Nangingilid-luhang Tagpo
Dinaan ko na lamang
Sa tula yaring pakiramdam
Upang di mo masilayan
Mga luhang nagpipigil
Ayaw magpatihulog
Wari’y ang aking nararamdaman
Nagpipilit kumubli sa looban.
Ako, ako lang naman
Ang taong laman ng iyong panaginip
Nagpapanggap na kaibigan
Nabubuhay sa kasinungalingan
At kapag nabasa mo itong tula
Baka nga hindi mo maalala
Na sa iyo nga ito
Walang iba
Sapagkat tayo’y pawang
Nakakulong sa isang mapaglarong palabas
Di mo ako kayang mahalin ngayon
Batid ko ‘yan
At hahayaan kitang humayo
Hagilapin ang sariling ninanais,
Subalit umaasa ako
Pagdating ng takipsilim
Mananaog ka sa piling
Magmukha mang hangal
Sa kadudungaw
Maghihintay ako.
Posted at 3:09 pm by Layap
Friday, January 04, 2008
Astig na pagbati ng taong 2008 sa akin!
Kung Paano Makipaghiwalay sa Taong Di Mo Naman Karelasyon
Marahil ilang beses ka nang nagmahal
Ako’y, minsan pa lamang
Nang maramdaman ko
Sa’yo
Di ko pinagsisihan
Kahit na balde-baldeng luha,
Di mabilang na sama ng loob
At kalungkutan ang tanging kapalit.
Di ka maniniwala marahil,
Dadating din pala ang panahon
Maisip kong ako’y isang tao
Napapagod
Akala ko kasi
Nang maramdaman kong iba ka
Kaya kong suungin
Lahat, ang lahat
Di kita masisi
Ako ang nakaramdam
Labas ka sa tulang ito.
Ito na ‘yung araw na iyon
Ayoko na magsalita pa
Mas lalo akong nahihirapan
Bumabalik ang gunitang pumipigil
Sa aking pagtalikod at pakikipaghiwalay
Ng landas, landas ko lamang
Paalam.
Posted at 3:40 pm by Layap
Monday, December 17, 2007
'Pag nananalo ang Ginebra.
Dribol
Bakit nga ba ang bola
Kapag hinahayaang mahulog
Bumabalik paitaas
At saka paibaba
Tapos pataas
Baba
Hanggang manatili na lamang
Kung saan dapat manahan?
Kung kay Newton,
Sisiw lang 'yan.
Simpleng usapin ng puwersa
Nadiskubre niya
Isang araw habang nage-emo
Sa ilalim ng punong mansanas.
Bobo ako sa siyensiya
Kaya kung ako ang tatanungin
Mag-syotang iling lamang ang tugon
Ang alam ko lang
Sa mga panahong naaalala mo lamang ako
Kapag walang masilayan sa likod mo
Kundi ako lamang
Pinupuntahan,
Kapag walang mapuntahan
Hinaharap
'Pag di puwede ang mga dapat nauuna,
Lumilingon, lumilipat lamang
Kapag wala nang iba,
'Yun na 'yun.
Posted at 3:36 pm by Layap